Mahal Naming Pangulong Rodrigo R. Duterte,
Magandang araw sa ating Pangulong Rodrigo Duterte. Isang napakaswerteng pagkakataon ang makausap ang isang katulad mo. Isang pangulo, pangulong iginagalang, pangulong sinusunod ng iba at higit sa lahat pangulong handang gawin ang lahat para sa kanyang nasasakupan. Bilang isang pangulo alam namin na napakabigat itong responsibilidad. Marami kang dapat gawin o maisakatuparan para sa iyong minamahal na bayan. Marami kang alituntunin na dapat isagawa para mapabuti ang iyong nasasakupan.
Sa mahigit na pitong buwan mong panunungkulan dito sa ating bansa ay pinatunayan mo nga ang iyong sinabi sa iyong SONA noong bagong bupo ka pa lamang bilang isang pangulo " Change is Coming". Nagsimula na nga ang pagbabago sa ating bansa, pero maganda ba ang pagbabagong ito o lalong nakasama sa aming iyong nasasakupan? Marahil may maganda at masamang dulot ito sa amin.
Sa mga itinalaga mong alituntunin sa bansa, nakatulong ba ito sa amin? Marhil oo, at marahil din na hindi. Kaugnay na nga nito ang pagsasakatuparan mo EJK (Extra Judicial Killing), dahil sa matinding usapan sa "War on Drugs". Gabi-gabing tuwing ako'y nanunuod ng balita ay hindi mawawala ang usaping patungkol sa drugs. Madaming namamatay at nawawalan ng buhay dahil sa pagpatay sa mga umano'y kasangkot sa paggamit ng droga. Marami ang gumagamit ng droga at ito na nga ang nagiging dahilan ng pagkaadik ng ilan; ang ilan naman ay tumigil na sa paggamit dahil nga sa isinakatuparan mong EJK sa ating bansa. Pero kahit na nagsakatuparan ka na ng alituntuning ito, marami parin ang lulong masamang droga. Marahil, may dahilan ito kaya sila ay napasok dito.
Madami na ngang namatay nang dahil dito, pero bakit ganoon? Kahit inosenteng tao ay nadadamay sa patayan na ito. Marami na rin ang nagtatago, nawawala, at nawawalan din ng mahal sa buhay. Marami ang naghahanap ng hustisya dahil sa mga namatay nilang kamag-anak na inosente.
Ang pagsasakatuparan ng EJK ay marahil maganda na ang dulot, dahil nababawasan umano ang mga gumagamit ng droga, pero huwag naman sana nating hayaan na masangkot at mapadamay ang mga inosenteng tao.
Ang ilan sa mga namamatay na umano'y kasangkot sa talamak na droga ay gusto ng magbago, pero hindi na sila nabigyan ng pagkakataon na gawin ito dahil nga pinatay na sila ng walang kamuwang-muwang. Natatakot ako baka kasi dumating din ang araw na pati pamilya ko ay madamay sa patayang nagaganap. Huwag naman sanang humantong ito sa pagpatay ng maraming inosenteng tao.
Ako ay isang mamayan na nakatira sa bayan ng Lucena at ayon sa aking mga nasasagap na balita ay talamak din dito ang paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga. Pero, wala pa naman akong nababalitaan na namatay dito dahil sa EJK.
Sana bigyan n'yo po ng pagkakataon ang ilang mga mamamayan natin na magbago. Huwag natin po sanang agarang patayin ang mga taong walang kamuwang-muwang, marami pa rin ang gustong magbago. Itong EJK ay sana maganda ang maidulot at hindi takot ang mamayani sa aming mga damdamin, dahil sa mga inosenteng tao. Nawa ay maunawaan n'yo ang aming simpatya.
Lubos na gumagalang,
Mae Aira M. Umali